-- Advertisements --

Nasa 831 na mga pampublikong sasakyan ang nahuli ng PNP Highway Patrol Group (HPG) na lumabag sa public transport ban simula nang ipinatupad ang enhanced community quarantine noong Marso 17.

Mismong sina HPG Director PBGen. Eliseo Cruz at HPG-NCR Chief, PCol. Wilson Doromal ang nanguna sa operasyon para striktong ipatupad ang public transportation ban sa Metro Manila at buong Luzon.

Ayon kay Cruz, ang mga sasakyang nahuli ay binubuo ng 521 taxis, 42 bus, 25 van, 49 jeep at 194 tricycle.

Magugunitang sangkatutak na taxi ang na-flagdown ng HPG sa kahabaan ng EDSA noong Lunes, pero pinauwi din ang mga ito matapos na kunan ng litrato ang mga sasakyan, rehistro, at lisensya ng driver.

Sinabi ni Cruz na kasalukuyan nang inihahanda ng HPG ang kaukulang reklamo laban sa mga ito sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board, para sa posibleng suspensyon o kanselasyon ng mga prankisa ng mga operator ng naturang mga sasakyan.