-- Advertisements --

Nag-walk out ang mahigit 8,400 na doctors ng ilang malalaking ospital sa South Korea bilang protesta para tutulan ang plano ng gobyerno nito na taasan ang admissions ng medical school upang palaguin ang healthcare sector ng bansa.

Ito ay katumbas ng 64% ng lahat ng resident at intern doctors ng South Korea. Dahil dito, napilitan ang mga ospital na paalisin ang ilang mga pasyente at kanselahin ang operasyon. 

Ayon sa ilang mga doktor na sumama sa protesta, sila ay underpaid at overworked. Ito raw umano ang dapat bigyang-pansin ng gobyerno ng South Korea bago dagdagan ang medical students.

Plano kasing gawing 5,000 ang dating 3,000 na cut off ng mga estudyante ng medical schools pagsapit ng taong 2025. Ito raw ay upang mapunan ang kakulangan ng doktor ng bansa. 

Base kasi sa projection ng health ministry, kukulangin na ng 15,000 na doctors ang South Korea pagdating ng 2035 dahil sa pagbilis pa ng kanilang aging population. 

Ayon naman sa datos ng Organization of Economic Cooperation and Development, isa ang bansang South Korea sa pinakamababang doctor-to-patient ratio sa mga developed countries. 

Sa ngayon, nag-issue na ang gobyerno ng naturang bansa ng back-to-work order at binalaan ang mga susuway na huhulihin sila.