-- Advertisements --

Mahigit 900 pamilya mula sa ilang mga barangay sa munisipalidad ng Agoncillo at Laurel sa Batangas ang lumikas matapos na magkaroon ng phreatomagmatic bursts sa Taal Volcano.

Ayon kay Batangas Provincial Social Welfare and Development Office head Joy Montalbo, 498 pamilya o 1,767 katao sa Agoncillo ang lumikas.

Samantala, hanggang kaninang alas-5:00 ng umaga, 479 pamilya o 1,616 katao sa Laurel ang lumikas, ayon naman kay Jerwin Tambogon, public information officer ng Laurel Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.

Sinabi ni Montalbo na papayagan lamang ang mga residente na bumalik sa kanilang bahay sa oras na maibaba na ng PHIVOLCS sa Alert Level 2 ang kasalukuyang Alert Level 3.

Kahapon, Sabado, itinaas ng PHIVOLCS ang Alert Level  sa Taal Volcano dahil sa magmatic unrest nito.

Ito ay kasunod ng “short-lived phreatomagmatic burst” na naitala sa main crater ng Taal Volcano kahapon ng alas-7:22 ng umaga na sinundan pa ng “nearly continuous phreatomagmatic activity” na nakapag-generate ng 1,500 meter na taas ng plumes at volcanic earthquake at infrasound signals.