VIGAN CITY – Ibinaon na sa lupa ang higit na isang tonelada ng imported na karne ng baboy na nasabat ng Ilocos Sur provincial quarantine office sa checkpoint sa Barangay Bio, Tagudin, Ilocos Sur.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan mula kay Provincial Quarantine Officer Martel Quitoriano, na ang mga imported na karne na kanilang nasabat ay ikinarga sa isang Hyundai cargo van na minaneho ni Nico Alba, 26 – anyos, na residente ng Sta. Cruz, Ilocos Sur.
Pinaniniwalaang galing sa La Union ang mga nasabing imported na karne ng baboy na nakalagay sa 62 kahon at ibabagsak sana sa bayan ng Sta. Cruz kung saan mababa ang bentahan ng karne ng baboy.
Maliban sa pagtakas sa quarantine checkpoint, haharap din sa paglabag sa provincial ordinance na nagbabawal na magpasok ng mga imported na produkto na walang karampatang dokumento ang nagmaneho ng cargo van dahil wala itong naipakitang legal documents ng mga karga nito.
Lumabag din ang nasabing driver sa Executive Order no. 24 series of 2019 na ipinalabas ni Governor Ryan Singson hinggil sa pagbabawal sa pagpasok ng mga buhay at karne ng baboy na galing sa ibang lugar dahil sa banta ng African Swine Fever.
Bago pa man kumpirmahin ng Department of Agriculture na namatay dahil sa ASF ang ilang baboy sa lalawigan ng Rizal, nagpalabas na si Singson ng nasabing EO upang maprotektahan ang babuyan sa lalawigan.