-- Advertisements --

Higit libo na pulis, ikakalat sa Northern Mindanao region para sa Holyweek observance

CAGAYAN DE ORO CITY – Inilatag na ng Police Regional Office 10 ang kanilang puwersa upang mahigpit bantayan ang pangkalahatang seguridad para sa paggunita ng Semana Santa sa Northern Mindanao region.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni PRO 10 spokesperson Major Joann Navarro na nasa 1,577 na pulis habang nagdagdag lakas-puwersa rin ang nagmula sa ibang law enforcement agencies,force multipliers at civil security societies upang bantayan ang libu-libong mga debotong Kristiyano habang nagninilay-nilay sa higit 100 religious sites kung 33 rito ay mayroong station of the cross.

Sinabi ni Navarro na higit 500 magkaibang lokasyon na pasukan at daanan ng mga deboto ay tinapatan nila ito ng heightened alert status para hindi sumablay ang kanilang security implementation plan na tatagal hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay.

Magugunitang kabilang sa mga tampok na dagsain ng mga deboto maging ng local at foreign tourists ay ang tanyag na Divine Mercy Shrine ng El Salvador City,Panaad 2025 ng Camiguin Province kasama ang Malasag na nababalot ng natural grown trees at ang Our Lady of Guadalupe Shrine ng Cagayan de Oro City na kailangang tawirin muna ang siyam na maliliit na ilog bago marating ang tutok ng kapilya.

Bagamat hindi nagbigay ang PRO -10 kung ilang mga deboto ang dadagsa sa pilgrimage sites ng rehiyon subalit batay sa inisyal na datos ng local government units na sakop ang nabanggit na lugar ay hindi ito bababa sa 100,000 katao.