NAGA CITY- Kumpiskado ang mahigit P1.3-M na halaga ng iligal na droga sa isinagawang buy bust operation ng mga otoridad laban sa isang drug personality sa Pasacao, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMAJ. Allan Lopez, Chief of Police ng Pasacao MPS, sinabi nito na matagal na umanong binabantayan ng kanilang mga tauhan ang kilos ng suspek pero sa mga nakalipas na buwan, mailap ito sa mga operasyon ng mga kapulisan.
Pero, kahapon Agosto 10, 2024 tuluyan ng nahulog sa kamay ng mga otoridad ang nasabing indibidwal.
Kaugnay nito, ang mga iligal na droga na nasamsam ng Pasacao MPS ay mayroong bigat na umaabot sa humigit-kumulang 200 grams at nagkakahalaga ng higit P1,300,000.
Ayon pa kay Lopez, ang suspek ay dati na ring naaresto noong 2019 dahil sa kaparehong kaso na mayroong kinalaman sa iligal na droga.
Sa kasalukuyan, nasa kostodiya na ng mga kapulisan ang suspek at mahaharap sa karampatang kaparusahan.
Samantala, kasabay ng matagumpay na operasyon, pinasalamatan naman ng opisyal ang mga opisyal din ng barangay at mga residentes para sa kanilang suporta at pakikipagtulungan na masugpo na ang bentahan at paggamit ng illegal drugs sa kanilang bayan.
Sa ngayon, hinikayat na lamang nito ang publiko na iwasan na masangkot sa anuman na iligal na aktibidad upang hindi malagay sa alanganin na sitwasyon.