Aabot sa P1.088 bilyong halaga ng pinaniniwalaang shabu ang nasabat sa inilunsad na buy bust operation bandang alas-3:30 ng hapon sa Barangay Karuhatan, Valenzuela City kahapon.
May timbang na 160 kilograms ang naturang iligal na droga na nakumpiska ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, National Intelligence Coordinating Agency, at Bureau of Customs.
Ayon kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, arestado sa operasyon ang Chinese na nagngangalang si Tianzhu Lyu, tubong Fujian, China; at ang kasabwat nitong Pinay na si Meliza Villanueva, taga-Conception, Tarlac, na siyang nagbenta ng iligal na droga sa kanilang undercover agent.
Nilinaw ni Villanueva na ang ikinasa nilang Valenzuela operation ay resulta ng serye ng kanilang mga nakaraang anti-drug operations na nagsimula nitong March 1 kung saan milyon-milyong halaga ng umanoy shabu ang nasabat ng mga otoridad.
Sa kabilang dako, ipinagmamalaki ng PDEA director na sa pagpasok pa lamang ng Marso ay nasa kabuuang 231.2 kilograms na ng shabu na nagkakahalaga ng P1.57 billion ang kanilang nakukumpiska.
Sasampahan naman ng kasong paglabag sa Sec. 5 &11 of Art. II ng Republic Act 9165 or the Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga naarestong suspek.
Siniguro ng PDEA na sa mga susunod na araw ay aasahan pa ang kanilang pinalakas na anti-illegal drug operations.
Target din ng ahensiya na bago magtapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte ay tuluyang masasawata ang pamamayagpag ng iligal na droga sa bansa.