Pinatitiyak sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na ang P1.134-billion na multang ipinataw sa Manila Water dahil sa water shortage ay direktang pakikinabangan ng mga apektadong residente.
Ayon kay Rep. Carlos Isagani Zarate, dapat na ma-convert bilang rebates sa bill ng mga apektadong consumer ang multang ipinataw ng MWSS sa Manila Water alinsunod sa itinatakda ng kanilang concession agreement.
“These rebates, though, should be on top of other damages that may also be awarded to the affected consumers,” ani Zarate.
Ang mga consumer ng Manila Water ayon sa Kongresista ang nagdusa at napagastos ng mawalan ng tubig noong Marso hanggang ngayon kaya marapat lamang na ang mga ito rin aniya ang makinabang sa ipapataw na multa sa naturang water concessionaire.
Samantala, iginiit ni Zarate na maghahain pa rin sila ng kaso laban sa Manila Water at panagutin ang lahat ng mga opisyal na bigong gampanan ang kanilang trabaho na nagresulta sa water shortage.