BAGUIO CITY – Aabot na sa P1.18 billion ang halaga ng mga mais sa Cordillera na nasira dahil sa El Niño.
Ayon kay Department of Agriculture (DA)-Cordillera regional director Cameron Odsey, pinakamaraming nasira dahil sa kakulangan ng tubig dahil sa epekto ng El Niño ang mga pananim na mais sa rehiyon.
Aniya, ang mga mais ang pinaka-vulnerable sa tagtuyot sa rehiyon dahil ang mga ito ay rain-fed.
Gayunman, may mga rice areas din na malapit sa mga irrigation systems na sinira ng El Niño.
Batay sa record ng DA Regional Operation Center noong March, kabilang sa mga napinsala ang bigas, mais, kamoteng kahoy, at iba pang high value crops.
Naitala ang pinakamalaking sira dahil sa El Niño ay ang Ifugao, sinundan ng Apayao, Kalinga at Abra, habang tinatayang aabot sa 34,000 ang mga apektadong magsasaka sa Cordillera Region.
Sa kabila nito, nakapagbigay ang DA-Cordillera ng inisyal na tulong sa mga magsasaka gaya ng buffer seeds, 2,000 na rice sack, higit 1,000 corn sack at 500 kilos ng iba’t-ibang vegetable seeds.