Sumampa na sa mahigit P10 billion ang pinsala na iniwan ng bagyong Ulysses sa bansa kung saan P4 billion dito ay sa sektor ng agrikultura habang nasa P6.1 billion naman sa infrastructure.
Ito ay batay sa initial assessment ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC).
Ayon kay NDRRMC spokesperson Dir. Peter Paul Galvez, patuloy pa ang isinasagawang damage assessment sa mga napinsalang rehiyon.
Sa datos na inilabas ng NDRRMC nasa 65,222 na mga kabahayan ang nasira kung saan 6,050 dito ang totally damaged.
Sinabi ni Galvez nasa 2,655 na mga kabahayan ang nasira sa Bulacan, Tarlac, Nueva Ecija at Pampanga.
Nananatili naman sa 73 ang fatalities sa bagyong Ulysses, 24 ang sugatan habang 19 ang missing.
Nasa 316 pa na mga siyudad at munisipyo ang wala pa ring kuryente.
Sa ulat naman ng DRRMCs mula sa 67 road sections na hindi passable sa ngayon ay nasa 48 na lamang.
Sa kabilang dako, naipaabot na rin sa iba’t ibang LGUs sa Luzon ang deklarasyon ng state of calamity.
Sinabi ni Galvez ngayong nasa state of calamity na ang buong Luzon, kontrolado na ngayon presyo ng mga goods and commodities, asahan na rin ang buhos na tulong sa mga apektadong lugar.
Maaari na ring gamitin ng mga LGUs ang kanilang calamity fund.
Hinimok naman ang mga LGUs na ‘di apektado ng kalamidad ay tulungan ang kapwa LGUs.
Gumagana na rin ang binuong Task Force Disaster Recovery and Rehabilitation na siyang nakatutok sa pagsasaayos ng mga lugar na napinsala ng bagyo para bumalik na sa normal ang pamumuhay ng mga kababayan.