LEGAZPI CITY – Nasabat ng mga otoridad ang kilo-kilong halaga ng pinaniniwalaang shabu na tinangkang ilusot sa pantalan ng Matnog, Sorsogon.
Tumitimbang ang mga ito ng 20 kilo at may market value na P136-milyon.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Legazpi, sinasabing isinilid ang naturang kontrabando sa maleta na bitbit ng dalawang suspek na kinilalang sina Irish Yap Dela Peña at Jose Lani Abarido Racaza.
Nang buksan ang maleta, bloke-blokeng ng umano’y shabu ang tumambad na nakabalot pa sa plastic at aluminum foil.
Pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Bicol ang joint operation na kinabibilangan ng provincial offices ng ahensya, Philippine Coast Guard (PCG), PNP Maritime Group, Philippine Army, Sorsogon Provincial Police Office, port police, local government unit ng Matnog.
Samantala, inihahanda na rin ang karampatang kasong kakaharapin ng mga ito habang nananatili na ngayon sa kustodiya ng PDEA.
Inaalam na rin sa ngayon kung saan nagmula ang suplay ng mga ito.