Aabot sa mahigit P107-M na halaga ng cash aid ang naipamahagi ng DOLE sa mahigit 24,000 na mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantage (TUPAD) Workers sa Bicol Region.
Ito ay matapos na labis na maapektuhan ng bagyong Kristine ang naturang rehiyon at libo-libong residente ang sinalanta ng bagyo.
Inilaan ng DOLE ang P100.9-M sa mahigit 23,000 benepisyaryo ng TUPAD program sa lalawigan ng Camarines Sur.
Sinundan ito ng lalawigan ng Albay na kung saan aabot sa higit isang libong benepisyaryo ang nakinabang sa P4,321,300 na tulong pinansyal.
Nabigyan rin ng P1.29-M halaga ng ayuda ang 218 benepisyaryo mula sa lalawigan ng Catanduanes habang P718,900 naman ang iniabot sa 182 benepisyaryo ng tupad sa lalawigan ng Masbate.
Ayon sa DOLE, ang TUPAD program ay isang tulong pinansyal kung saan kailangang magtarabaho ng isang benepisyaryo kapalit ng halaga na ipagkakaloob ng ahensya.
Ito ay tulong na rin sa mga naapektuhan ng kalamidad at pandemya lalo na sa mga impormal sector na manggagawa.