-- Advertisements --

Aabot sa P10.2 milyon pesos ang kabuuang halaga ng illegal na droga ang nasakote ng PNP Drug Enforcement Group matapos ang kanilang isinagawang operasyon sa lungsod ng Maynila.

Kasunod nito ay naaresto nila ang dalawang personalidad na nagngangalang alyas na Jojo at Nacer Datu Jaber.

Isinagawa ang operasyon sa Arlegui St., Brgy. 378 sa Quiapo, Maynila pasado alas-3 ng hapon .

Naging matagumpay ito sa pagtutulungan ng PNP Drug Enforcement Group, Philippine Drug Enforcement Agency, at Manila Police District Station.

Nakuha sa mga suspect ang 1 kilo ng hinihinalang shabu na tinatayang may street value na Php 6.8 million at isa pang half kilo ng shabu na aabot sa Php 3.4 million.

Bukod dito ay nabawi rin sa mga suspect ang iba’t ibang armas at bala.

Kabilang na ang cal. 9mm browning pistol, cal.45 colt commander, magazine at ang drug buy-bust money matapos ang operasyon.

Nakuha rin ang ilang personal na ganito katulad ng cellphone, weighing scale, mini burner at iba pa.

Mahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.