Nasa kabuuang P13.36 bilyong pisong halaga ng ibat-ibang uri ng iligal na droga ang sinunog ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) kanina sa Integrated Waste Management Incorporated, Barangay Aguado, Trece Martirez City, Cavite.
Ang mahigit dalawang toneladang droga ay nakumpiska ng PNP at PDEA sa ibat ibang anti-drug operation.
Matapos inspeksyunin ng korte, ipinag-utos nito ang pagsunog na itinuturing na pinakamalaking pagwasak ng iligal na droga sa kasaysayan ng PNP at PDEA.
Dumalo sa nasabing event si Supreme Court Administrator, Justice Midas Marquez na siya ring guest of honor and speaker.
Nasa seremonya din si PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa at ilang opisyal ng DILG.
Ayon sa PDEA, sinira sa pamamagitan ng thermal decomposition o thermolysis ang nasa 2.1 toneladang iligal na droga.
Ayon kay PDEA Director General WilkinS Villanueva, nais nilang siguruhin sa publiko na bilang lead agency sa national ANTI drug campaign ay wala silang itinatago at susundin lang nila kung ano ang nasa batas.
Layon din ng pagwasak ng droga na maalis ang pagdududa ng publiko na muling ginagamit, nirerecycle o muling ibinebenta ang mga nasabing droga.
Sa panig naman ng ng PNP nasa 1.2 toneladang droga ang kanilang iturn-over sa PDEA para wasakin at sunugin.
Kabilang sa mga malalaking huli ng PNP Drug Enforcement Group ay sa Marilao, Bulacan, Gen Trias, Cavite at Makati City.
Inanunsyo din ng PNP na nitong mga nakalipas na araw ay sunod -sunod din ang matagumpay nilang anti Drug Operation.
Nasa P137.7 Million pesos na halaga ng Shabu ang kanilang nakumpiska at 14 na drug suspek ang naaresto.