-- Advertisements --

PDEA2 1

Nasa mahigit P13 million halaga ng iligal na droga ang nasabat ng Philippine Drug Enforcement Agency sa dalawang magkakahiwalay na operasyon sa Bacoor City sa Cavite at sa Taguig.


Sa unang operasyon, arestado ang isang Nigerian national sa ikinasang buy-bust at entrapment operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Bacoor PNP sa Bacoor City, Cavite bandang alas-11:30 ng umaga kahapon.

Nasa P6.8 million halaga ng umano’y shabu ang nasabat ng mga operatiba sa nasabing banyaga.

Ayon kay PDEA Director General Wilkins Villanueva naganap ang buy-bust operation sa parking lot ng isang fast food store sa may bahagi ng Molino Boulevard, Barangay Talaba IV, Bacoor City.

Kinilala ni Villanueva ang naarestong Nigerian na si Ifeanyi Ukoji y Chukwu, 36-anyos residente ng Barangay Mambog III, Bacoor City, Cavite.

Nakumpiska sa posisyon ng banyaga ang nasa 1,000 gramo ng hinihinalaang shabu na nagkakahalaga ng Php 6.8 million.

Kasong paglabag sa RA 9165 o Sale of Dangerous Drugs ang isasampa laban sa suspek.

PDEA1 1

Sa kabilang dako, nagsagawa din ng buybust operation ang PDEA sa isang Parking Lot sa Barangay Western Taguig kahapon .

Nakilala ang nahuling drug suspek na si Maria Salvation Medino.

Nakuha sa kaniyang posisyon ang nasa 1000 grams na hinihinalaang shabu na may market value na Php 6.8 million pesos.