BAGUIO CITY — Patuloy ang imbestigasyon ng Itogon Municipal Station sa isang kaso ng pagnanakaw ng P15.6-milyong halaga ng ginto sa Sitio Bagingey, Poblacion, Itogon, Benguet.
Nakilala ang mga biktima na sina Radito Quinto, driver; at Benny Canor, accounting escort na nagdala ng anim na piraso ng gold button o ginto.
Batay sa imbestigasyon, tumawag ang guard ng Itogon Suyoc Resources Incorporated sa Sitio Trese, Poblacion, Itogon, Benguet sa opisina ng Itogon, Municipal Police Station na may nangyaring hold-up sa nasabing lugar.
Sa salaysay ng mga biktima, napansin nila na may humarang na bato sa kanilang daan at nabigla sila sa apat na armadong suspek na may rifles at pistols at nagdeklara na hold-up sa mga ito.
Pagkatapos ng nasabing insidente, kinuha ng mga suspek ang mga kagamitan ng mga biktima gaya ng susi ng kanilang service na sasakyan at tumakas ang mga suspek patungong Dalicno, Ampucao, Itogon.
Dahil dito, nagsagawa sila ng imbestigasyon sa nasabing insidente at nagsagawa ang team ng checkpoint para posibleng pagkahuli ng mga suspek.
Ipinarating ng OIC ang nasabing insidente sa lahat ng Police Community Precinct (PCP) Personnel kasama na ang Bokod Municipal Police Station para sa pagpapatupad ng checkpoint.