Instant millionaire ang apat na AFP at PNP civilian informants na tumanggap ng nasa P15.4 na milyong reward money na ipinamahagi dahil sa pagbibigay ng mahalagang impormasyon na nagresulta sa pagka-neutralize ng mga high value target terrorists.
Tinanggap ng mga informants ang kanilang pabuya mula kay AFP chief of staff Gen. Filemon Santos at PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa sa isang simpleng seremonya sa Camp Aguinaldo nitong umaga.
Nasa P7.4 million ang patong sa ulo ng napatay na Abu Sayyaf leader at ISIS Emir na si Isnilon Hapilon.
Si Hapilon ay napatay ng Philippine Army sa Marawi noong Oktubre 2017, kasama si Omar Khayam Maute, ang leader ng Maute terrorist group na may patong naman na P5 milyong sa kanyang ulo.
Tinanggap din ng mga informants ang tig-P600,000 para sa pagkakapatay sa iba pang high value target terrorists na sina: Jumar Ibrahim alyas Jomar Labay, Mohammad Aklam Said alyas Maas; Bads Ajam alyas Pa Malod, Hadjid Isnani Malik alyas Mohammad Ismael, at Saddam Muhammad alyas Adam Mahamdon.
Apela naman ni Gen. Santos sa publiko na patuloy na makipagtulungan sa mga otoridad lalo na sa pagbibigay ng impormasyon hinggil sa presensiya ng mga terorista sa kanilang lugar.
Ang isa sa apat na informants na pawang naglagay ng talukbong para ingatan ang kanilang pagkakilanlan ay tila babae ang physical features pero tumanggi si chief of staff na kumpirmahin kung ito ay babae o lalaki.