BAGUIO CITY – Pinaghahanap na ngayon ang lalaking tumalon sa bangin para makatakas sa mga otoridad matapos maaksidente ang sinasakyang motorsiklo na may dalang kahon na naglalaman ng kontrabando na tinangka nitong ipuslit palabas ng Tabuk City, Kalinga kagabi.
Ayon kay PCol. Davey Vicente Limmong, direktor ng Kalinga Police, rumesponde ang mga pulis sa natanggap nilang report ukol sa ibinibiyaheng marijuana.
Nasa daan na aniya ang mga pulis sa Barangay Lucog, Tabuk City nang makasalubong nila ang isang motorcycle rider.
Gayunman, natumba ang motorsiklo at nahulog ang nakataling kahon sa likuran ng motorsiklo kaya agad huminto ang mga pulis para tulungan ang rider.
Bigla aniyang tumakbo ang rider at tumalon sa bangin patungo ng Chico River kaya naiwan ang motorsiklo nito, ang kahon at isang maliit na sling bag.
Sinundan ng mga pulis ang nasabing rider ngunit nabigo silang matagpuan at mahuli ito.
Nadiskubre naman sa pag-inspeksyon nila sa kahon na may laman itong 33 kilo ng marijuana bricks na nagkakahalaga ng P4.3-milyon habang nakita sa sling bag ang ilang IDs at OR/CR ng motorsiklo na nakapangalan lahat kay Kennedy Bocad Adaoal.
Pinangako naman ni Limmong na gagawin nila ang lahat para mahuli ang tumakas na rider.
Samantala, nakumpiska din ang aabot sa P12-milyon na halaga ng mga marijuana bricks at hashish oil sa interdiction operation ng mga operatiba sa isang quarantine checkpoint sa Bauko, Mountain Province kagabi na nagresulta sa pagka-aresto ni Rexton Bangang, 45-anyos, driver, residente ng San Juan, Taytay, Rizal at kasalukuyang nakatira sa Balaoa, Tadian, Mountain Province.
Batay sa report, pinara ng mga otoridad ang Tamaraw FX na walang OR/CR at travel document at sa kanilang pag-inspeksyon ay nakita sa loob ng sasakyan ang ilang karton at sako na naglalaman ng 99 kilo ng mga marijuana bricks at 60ml na hashish oil.
Napag-alaman na ang nasabing sasakyan ay matagal ng isinasailalim sa surveillance dahil sa umano’y paggamit dito na pambiyahe ng mga marijuana.