Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs sa Port of Davao ang aabot sa P17.7 milyon na halaga ng mga smuggled na sigarilyo.
Matapos ang isinagawang inspeksyon , nakuha ng BOC katuwang ang Task Force Davao ang aabot sa 15,150 reams ng sigarilyo, 35 sako ng assorted shoes, at isang unit ng truck.
Dahil dito nakatakdang sampahan ng BOC-Davao ang mga kinakailangang kaso laban sa mga suspek dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act.
Ayon kay Maita S. Acevedo, BOC-Davao acting district collector, mananatili silang nakatuon sa paglaban sa smuggling at pangalagaan ang border ng bansa.
Sinabi naman ni BOC Commissioner Bienvenido Y. Rubio, ang kanilang ahensya ay patuloy na itaguyod ang rule of law at uunahin ang pagprotekta sa mamamayang Pilipino mula sa masasamang epekto ng mga ipinagbabawal na produkto ng tabako,
Dagdag pa nito na nakatuon sa sila paggawa ng mapagpasyang aksyon laban sa mga nagbabanta sa seguridad at ekonomiya ng ating bansa
Ang mga koleksyon ng BOC mula sa illicit trade ay makakatulong sa pagpapalakas ng target na kita ng Customs ng hindi bababa sa P1 trilyon.
Ito ay kumakatawan sa humigit-kumulang 23 porsyento ng kabuuang P4.3 trilyon na layunin na itinakda ng Cabinet-level Development Budget Coordination Committee ngayong taon.
Paliwanag pa ni Rubio na ang diskarte ng bureau na taasan ang mga koleksyon ng 15 hanggang 20 porsyento para sa 2024 ay ginagawa sa ilang mga larangan, kabilang ang mapagbantay na pagsubaybay at patuloy na pagpapabuti ng mga proyekto ng modernisasyon.
Batay sa mga paunang ulat, sa ngayon ay nakakolekta na ang BOC ng P330.27 bilyon, na lampas sa target na P317.87 bilyon ng 3.90 porsiyento, o P12.41 bilyon.
Ang bilang na ito ay kumakatawan sa 7 porsyentong pagtaas mula sa parehong panahon noong nakaraang taon kung saan ang koleksyon ay nasa P308.65 bilyon at ngayon ay 33 porsyento na rin ng P1 trilyong target para sa taon.