-- Advertisements --

region32

Arestado ang anim na umano’y drug suspeks sa isinagawang joint anti-illegal drug operations ng PNP Region 3 at PDEA sa Barangay San Francisco, Concepcion, Tarlac kung saan nasabat ang nasa 158 bricks na mga tuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P18.9 million.

Sa report ni PNP Region 3 regional Police director B/Gen. Val De Leon kay PNP chief Gen. Debold Sinas, nakatanggap kasi sila ng impormasyon hinggil sa drug transactions ng grupo dahilan para magsagawa sila ng joint buybust operation.

Kinilala ni PNP chief Sinas ang mga inarestong suspeks na sina Marlon Miranda, 34; Joey Palaeyan, 33, mga taga Tabuk, Kalinga; Freddie Letta, Carl Andrei Maico; Via Jean Ortiga, 19, at Lorraine Fulgencio, 23.

Unang naaresto ang dalawang suspeks na sina Miranda at Palaeya kung saan huli sa akto ang dalawa na ibinibenta ang nasa 25 bricks ng marijuana.

Nahuli naman ang apat pang ibang suspeks habang nakikipagtransaksiyon sa mga drug peddlers.

Kasalukuyang nakakulong sa PNP Region 3 headquarters sa Pampanga ang anim na suspeks habang hinahanda ang kasong isasampa sa mga ito.

Nasa kustodiya na rin ng PNP ang mga nakumpiskang marijuana at iba pang mga kagamitan.

Pinuri naman ni Sinas ang PNP at PDEA sa matagumpay nilang operasyon.

Ang nasabing grupo ay aktibo umanong sangkot sa illegal drug trade activities na nag-ooperate sa Region 1 at Region 3.