DAVAO CITY – Nasa dalawang milyong pisong halaga ng iligal na druga ang narekober sa loob ng isang kotse ng isang lalaki na nasangkot sa isang aksidente.
Sa imbestigasyon ng Bansalan Municipal Police station nangyari ang aksidente sa Barangay Dolo lungsod ng Bansalan, Davao del Sur na kinasasangkutan ng isang gray Sedan at pulang SUV.
Nakilala ang driver ng Sedan na si Jose Palma Morales II, residente ng 64 Bolton Isla, Barangay 76-A Bucana sa lungsod.
Sa inisyal na imbestigasyon, nag-counterflow ang Sedan at nabangga nito ang isang pulang SUV na minamaneho ng isang Arnel Gumo, residente Panacan nitong lungsod kung saan may anim itong sakay.
Ngunit nadiskubre ng kapulisan sa sasakyan ni Morales ang 27 na pakete ng iligal na droga na nagkalat sa kalsada malapit sa sasakyan.
Sinasabing may street value ito na higit dalawang milyong piso.
Dagdag pa ng otoridad na posibleng nasa impluwensiya ng iligal na druga ang suspek matapos marekober rin sa loob ng kanyang sasakyan ang tooter pipe na may residue ng shabu.
Nasa hospital ngayon ang suspek at iba pang sugatan sa aksidente habang na sa Provincial Crime Laboratory Office ang mga narekober na droga.
Nakatakda naman na sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o comprehensive dangerous drugs act of 2002 ang suspek.