Arestado ang dalawang Chinese, matapos masabat sa kanilang posisyon ang aabot sa tatlong kilo ng shabu sa ikinasang buy bust operation ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Quezon City.
Ang Quezon City anti-illegal drug operation ay isang joint operations ng PDEA, PNP-DEG, AFP at National Intelligece Coordinating Agency (NICA).
Sinalakay ng mga awtoridad ang silid ng isang hotel sa bahagi ng E. Rodriguez kung saan naaresto ang dalawang Chinese nationals na sina Shiliang Zeng at Jack Lee.
Ayon kay PDEA Intelligence Service Director Adrian Alvarino, maliban sa 3 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P20.4 na milyong, nakumpiska rin ang dalawang cellphones, driver’s license, samu’t saring dokumento at boodle money na ginamit sa operasyon.
Dagdag pa ni Alvarino, konektado ito sa nauna nilang operasyon sa Brgy. Karuhatan, Valenzuela City noong Martes kung saan, kasapi ang mga naaresto ng “The Company Group” na kumukuhan ng iligal na droga mula sa kilabot na Golden Triad syndicate.
Nabatid na ang nasabing iligal na droga ay galing sa Myanmar.
Kakasuhan ang dalawang suspek ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Iniimbestigahan na ngayon ng PDEA at PNP kung paano nakapasok sa bansa ang mga nasabing kontrabando.