BAGUIO CITY – Kabuuang P20.76-million halaga ng mga marijuana ang nakumpiska ng mga otoridad sa magkasunod na checkpoint operations sa magkahiwalay na sitio sa Barangay Poblacion, Sadanga, Mountain Province, kahapon, October 13, 2021.
Unang nakumpiska sa interdiction/checkpoint operation sa Sitio Ampawilen, Barangay Poblacion, Sadanga ang 148 na marijuana bricks at 6 na marijuana na nasa tubular form, na sinasabing nagkakahalaga ng P18.48 million.
Nasabat ang mga ito sa drug personalities na sina Jorge Eyawon, Dario Diway at Jake Caesar Linchangan, na pawang residente ng Tabuk City, Kalinga, at kinukonsiderang high value individuals.
Nakuha din ng mga otoridad ang kotse na ginamit ng mga suspek sa pagbiahe ng mga kontrabando at ilang drug paraphernalia.
Sunod na nahuli sa police response sa Sitio Oowayen, Barangay Poblacion, Sadanga ang limang kalalakihan, kasama na ang isang menor de edad at isang dating pulis na kakandidato sa pagka-alkalde ng Sabangan, Mountain Province.
Nakuha naman mula sa kanila ang 19 na marijuana bricks na nagkakahalaga naman ng P2.28 million.
Kasama rin sa kinumpiska sa kanila ang ginamit nilang Grandia na van, isang weighing scale, 16 na basyo ng bala ng 9mm na baril at siyam na bala ng 9mm na baril.