-- Advertisements --

Nasakote ng mga tauhan ng Police Regional Office 7 at Bureau of Internal Revenue ang malaking halaga ng mga smuggled na sigarilyo na ipinasok sa bansa.

Batay sa pagtataya ng mga otoridad, aabot ang halaga nito sa kabuuang ₱20-M.

Ang halagang ito ay nagmula sa isinagawang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng PNP at BIR mula sa magkahiwalay na operasyon sa Brgy. Guizo, Mandaue City sa lalawigan ng Cebu.

Ayon kay Police Regional 7 Director, Police Brig. Gen. Redrico Maranan, ang operasyon ay naging matagumpay sa tulong ng tip mula sa kanilang impormante sa lugar.

Kabilang sa mga nasabat ay 334 master cases at 167,700 pakete ng iba’t ibang brand ng sigarilyo.

Nasakote rin ang iba pang mga kahon na mayroong 2,500 pakete.

Kasabay nito ang pagkaka-aresto sa dalawang suspect at nahaharap na sa kasong paglabag sa Republic Act 10963 o mas kilala sa tawag na Customs Modernization and Tariff Act.