LEGAZPI CITY – Nasabat ng mga otoridad ang walong kahon at isang bag ng pekeng sigarilyo sa Codon Seaport sa Barangay Codon, San Andres, Catanduanes.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Pol. Capt. Emsol Icawat, hepe ng San Andres Municipal Police Station, hinarang umano ng mga barangay officials ang limang kalalakihan upang papirmahin sa log book ng barangay subalit nadiskubre ang dala nitong mga sigarilyo na walang kaukulang dokumento.
Nakilala ang mga suspek na sina Mostafa Bucay, Bravo Alimusa, Saidomar Sumalug, Juhair Macadaag at Khalil Ampaso na pawang residente ng Purok 2, Barangay Pawa, Tabaco City.
Tinatayang nasa P205, 600 mang halaga ng nakumpiskang mga kontrabando.
Dagdag pa ni Icawat na tumanggi ang mga suspek na sabihin kung saan nagmumula ang naturang pekeng mga sigarilyo subalit nabatid na ang mga suspek ang nagsu-supply ng mga ito sa lalawigan ng Catanduanes.
Sa kasalukuyan ay nai-turn over na sa Tabaco City PNP ang naturang mga suspek at inihahanda na ang isasampang kaso laban sa mga ito.