-- Advertisements --

Nangako ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na babayaran nito ang P256 million na utang mula sa Philippine Red Cross ngayong linggo.

Ito ay kasunod na rin ng paglobo pa ng utang ng state health insurer sa COVID-19 swab testing na ginagawa ng Red Cross.

Ayon kay PhilHealth spokesperson Rey Balena, walang isyu sa kapasidad ng PhilHealth na magbayad subalit kailangan pa nitong suriin ang bawat claims na isinusumite ng Red Cross.

Maayos aniyang nababayaran ang mga good claims ngunit may mga claims pa raw na hindi malinaw kung kaya’t ibinabalik ito sa Red Cross.

Aabot na raw ng P103.4 milyong halaga ng claims ang naibalik ng PhilHealth sa Red Cross.

Magugunita na noong Oktubre ng nakaraang taon ay itinigil muna ng Red Cross ang swab testing sa mga returning overseas Filipino workers (OFWs) dahil sa bigong pagbabayad ng PhilHealth ng utang nito sa Red Cross na umabot ng P1 bilyon.