-- Advertisements --

DAVAO CITY – Nagreklamo sa Tagum Police station ang mga investors ng investment scam na Titan 29.

Ito ay matapos na hindi na nagpakita at itinakas ng Chief Executive Officer (CEO) ng Titan 29 ang higit P200 million na halaga ng kanilang investment.

Isa sa mga nababahala ngayon ang investor na si Annie Chris Labrador dahil maliban sa kanyang sariling pera, nakapagbigay na rin ito ng pera mula naman sa kanyang mga nahiyakat na investors na nagkakahalaga ng higit P2 million.

Samantala, nakatanggap na raw siya ng banta mula sa mga investors matapos na ipinangako ng CEO ng nasabing investment scam na nakilalang si Ryan Maunes na mababalik agad ang pera sa loob ng 15 araw kasama ang malaking tubo.

Dahil dito, dumagsa ang mga investors sa isang hotel sa Tagum sa paniniwalang may isasagawang pay-out ngunit nabigo lamang ang mga ito.

Umaasa na lamang ang mga biktima na maibabalik sa kanila kahit man lang ang kapital ng pera na kanilang in-invest.

Samantalang nanawagan naman ngayon si Police Capt. Anjanette Tirador, tagapagsalita ng Tagum City Police Office sa iba pang mga nabiktima ng Titan 29 na pumunta lamang sa kanilang tanggapan at magsampa ng reklamo laban sa tumakas na CEO ng kompanya.