-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Kinumpirma ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO)-Aklan na ang mananaya mula sa Banga, Aklan ang panibago nilang milyonaryo matapos tamaan ang P246-milyong Ultra Lotto 6/58 jackpot noong Biyernes, Pebrero 12.

Sinabi ito ni John Martin Philemon Alipao, financial management officer ng PCSO-Aklan Branch sa pamamagitan ng ipinadalang text message sa Bombo Radyo Kalibo.

Natumbok ng masuwerteng mananaya ang winning combination na 24-09-32-41-29-22 at nanalo ng P246,085,102 milyon.

Samantala, sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo, tumangging magbigay ng dagdag na detalye ang may-ari ng lotto outlet kung saan tumaya ang solong nanalo ng jackpot.

Nabatid na ito na ang ikalawang beses na may nanalong mananaya at naging instant milyonaryo sa naturang lotto outlet na nakahimpil malapit sa Banga Public Market.