Nasamsam ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mahigit P26 milyong halaga ng inilarawan nitong ilegal na LPG liquefied petroleum gas equipment sa isang raid sa Baler, Aurora.
Ayon kay CIDG director Maj. Gen. Leo Francisco , ang dalawang araw na operasyon sa Barangay Suklayin mula noong Lunes, Agosto 5, ay nagresulta din sa pagkakaaresto sa walong katao na nagsisilbing cashier, accountant, refillers, at driver.
Sinabi pa ni Francisco, ito ay bahagi ng kanilang kampanya laban sa hindi awtorisadong LPG refilling stations, dealers, at distributors.
Ngunit sa pagkakataon ito ay nakahuli sila ng malaking isda sa isinagawa nilang operasyon.
Kabilang sa kanilang nakumpiska ay de-kuryenteng motor, tatlong check valve, dalawang gas pump, isang vapor unit, isang LPG storage tank, tatlong lorry tank truck, mahigit 1,000 iba’t ibang uri ng LPG cylinders (puno at walang laman), weighing scale, refilling at iba pa .
Ang mga nasamsam, ayon kay Francisco, ay may tinatayang market value na P 26,642,110.
Sinabi ni Francisco na magsasampa sila ng mga kaso laban sa mga natukoy na incorporator ng ni-raid na kumpanya.