Sira-sirang mga paaralan at iba pang kagamitan ang iniwang pinsala ng Bagyong Odette matapos na manalasa ito sa Pilipinas.
Ayon kay Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones, umabot na sa mahigit 12 milyong mag-aaral ang naapektuhan ng kalamidad.
Kabilang pa aniya sa mga naapektuhan ng pagtama ng bagyo sa bansa ay ang 11 rehiyon, 121 schools division offices, 29,671 paaralan, at kabuuang 12,029,272 na mag-aaral.
Dagdag nito, nasa P3.37 billion halaga ang kakailanganin ng DepEd para sa reconstruction ng 1,086 na totally damaged na mga silid-aralan, gayundin ang para sa rehabilitasyon ng 1,316 ng mga bahagyang nasirang classrooms.
Milyun-milyon din ang tinatayang halaga na kakailanganin ng kagawaran para sa pagpapalit sa mga napinsalang non-infrastructures tulad ng school furnitures, learning materials, at school computer sets.
Sinabi rin ng kalihim na posibleng gamitin ng kagawaran ang bahagi ng kanilang matatanggap na 2022 budget para sa isasagawang rehabilitasyon.
Samantala, ibinahagi ni Briones na mayroong P230 million na Quick Response Fund ang DepEd na maaaring gamiting tulong sa mga rehiyon na sinalanta ng Bagyong Odette.
Ang P3.8 million dito ay nananatili pa sa DepEd Central Office habang ang natitirang P227 million naman ay nakalagak sa mga regional office ng DepEd.
Sa kabilang banda, nasa 656 na pampublikong paaralan at nasa 3,671 silid-aralan naman ang kasalukuyang nagsisilbi bilang mga evacuation centers para sa mga kababayan natin na sinalanta ng bagyo.