(Update) BAGUIO CITY – Aabot sa P3.2 million na halaga ng mga marijuana at shabu ang nakumpiska ng mga otoridad mula sa dalawang turista sa Alab Proper, Bontoc, Mountain Province.
Unang nakilala ang mga suspek na sina Arvin Pino Vigilia, at si Jun Rudly Reyes Pascual, kapwa 31-anyos at parehong residente ng Castillejos, Zambales.
Nahuli ang dalawa noong March 31 sa isinagawang checkpoint ng Bontoc Municipal Police Station kung saan naharang nila ang sasakyan ng mga suspek.
Nakita sa visual inspection ang kaduda-dudang bagahe sa loob ng sasakyan hanggang sa karagdagang inspeksyon ay nadiskobre na naglalaman ito ng 20 bricks ng dried marijuana at 12 rolls ng dried marijuana na nabalot ng plastic at packaging tape.
,Nakumpiska pa mula sa mga suspek ang limang pakete ng pinaniniwalaang shabu, mga drug paraphernalia at isang caliber 45 na may lamang pitong bala.
Ayon sa mga otoridad, 26 kilo ang kabuuang bigat ng mga marijuana habang 16.6 grams naman ang kabuuang bigat ng mga shabu.