-- Advertisements --

DIPOLOG CITY – Nasa kustodiya na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Region 9 ang mag-amang naaresto matapos makuhanan ng aabot sa P3.4 milyong halaga ng pinaghihinalaang shabu.

Ito’y sa isinagawang entrapment operation ng mga otoridad sa parking lot ng isang shopping mall sa Pagadian City.

Ang mga suspek ay kinilalang si Macacuna Ali Gunting, 53-anyos, at anak nitong si Bokhia, 27, parehong residente ng Marawi City sa Lanao del Sur.

Nakuha mula sa kanila ang tinatayang 500 grams ng shabu at 12 bundles ng boodle money.

Sa statement ng PDEA-9, matagumpay nilang nadakip ang mga suspek dahil na rin sa tulong ng mga lokal na opisyal sa lugar at ng mga kamag-anak nito sa Lanao del Sur.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002 ang mag-ama.