Patuloy ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagsasagawa ng mga hakbang at proyekto upang masolusyunan ang usapin sa trapiko at mapalakas ang infrastructure sustainability sa bansa.
Kaugnay nito ay iniulat ni DPWH-Region 1 Director Ronnel Tan na natapos na ang higit P313-M na halaga ng bypass road sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Inaasahang mapapaikli nito ang travel time mula Barangay Bacsil at Barangay Nagbalagan ng sampung minuto hanggang apat hanggang limang minuto na lamang.
Ang naturang kalsada ay mayroong mga drainage, slope protection structure, streetlight , mga road safety measures at isang tulay na may haba na aabot sa 46.30-meters.
Ang proyektong ito ay inaasahang magpapadali sa transportasyon ng mga lokal na produkto at serbisyo sa lugar.
Ayon kay DPWH-Region 1 Director Ronnel Tan, asahan pa ng publiko ang mga proyektong pang transportasyon sa bansa sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.