-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Pumalo na sa P32.4 milyon ang naitalang danyos sa nararanasang drought season sa bayan ng ng Kabacan, Cotabato.

Ang datos ay mula sa inilabas na partial report ng Kabacan Municipal Agriculture’s Office para sa buwan ng Enero 2019-Marso 1, 2019.

Ayon sa tanggapan, 10 barangays sa bayan ang nakapagtala ng may malalaking danyos dala na rin ng El Niño na nararanasan.

Ang mga barangays na ito ay ang Aringay, Pisan, Bangilan, Dagupan, Magatos, Kayaga, Cuyapon, Bannawag, Nangaan, at Katidtuan.

Pumalo rin ito sa mahigit 500 ektarya ng palayan at maisan.

Kaugnay nito, nagpapatuloy pa rin ang pagbeberipika ng tanggapan at pag-iikot sa mga barangay ng bayan na naapektuhan ng tag-init.

Samantala, hinimok ni Kabacan Mayor Herlo Guzman Jr. ang publiko na makipag-ugnayan sa agriculture office upang malaman at maiwasan ang malaking kawalan na naidudulot ng El Niño.

Dagdag pa nito, hinihintay pa niya ang karagdagang impormasyon mula sa Department of Agriculture (DA) dahil ayon na rin sa tanggapan ay nagpapatuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon.

Bagamat hindi kabilang ang bayan ng Kabacan sa nakikitang direktang makakaranas ng tag-init, puspusan parin ang isinasagawang ugnayan ni Kabacan Mayor Guzman sa agriculture office, MSWDO at sa MDRRM upang alamin ang estado ng bayan.