-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nasa higit P400,000 ang inisyal na pinsala sa pagkakasunog ng dalawang bahay na may pinauupahang mga kwarto, motorshop, computer sets at karenderia sa Morrow St., Purok Manga, Barangay Zone 1, Koronadal City alas-10:45 kaninang umaga.

Ito ang inihayag ni FO3 Ricky Villacora, investigator ng BFP-Koronadal sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay FO3 Villacora, pagmamay-ari ni Mr. Jeremy Zabate at Gng. Adelina Estorninos ang nasunog na mga bahay.

Nagsimula umano sa boarding house ni Mr. Zabate ang sunog hanggang sa lumaki at mabilis na tinupok ng apoy ang buong compound.

Maging ang bagong motorsiklo na iniwan ng mag-asawang boarders na umano’y hiniram lamang ay nasunog din.

Pinaniniwalaang electrical wiring ang pinagmulan ng sunog ngunit inaalam pa sa ngayon ng BFP-Koronadal.

Sa ngayon, humihingi ng tulong ang mga apektado ng sunog lalo na at wala silang nakuhang gamit bago pa man tinupok ng apoy.