VIGAN CITY – Muling tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na hindi magreresulta sa pagkaubos ng suplay ng palay at mais ang mahigit sa P5 bilyong pinsala sa agrikultura dahil sa labis na init ng panahon o ng El Niño.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni DA Secretary Manny Piñol na kung titingnang maigi ay maliit lamang na porsyento ang mababawas sa target na palay at mais production ng ahensya ang nasabing halaga ng pinsala.
Sa katunayan, naniniwala si Piñol na makakamit ng ahensya ang target na palay production na 20 milyong tonelada sa kabila ng malaking halaga ng pinsala sa palay at mais.
Aniya, hindi na rin gaanong malala ang epekto ng kasalukuyang kalagayan ng panahon base sa kanilang assessment.
Ito’y dahil sa pag-ulang nararanasan ng ilang panig ng bansa lalo na sa mga pinaka-apektado ng El Niño noong mga nakaraang linggo.
Tiniyak din ng opisyal na handa ang DA na tumulong sa mga magsasakang apektado ng El Niño, pati na rin ang Philippine Crop Insurance Corporation.