-- Advertisements --

BOMBO CEBU – Nasabat ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang halos P5.2 million na halaga ng iligal na droga sa magkahiwalay na buybust operation sa lungsod ng Mandaue at Cebu.

Arestado ang isang high value target-regionwide na si Atilano Millanes III, alyas Arje, 38-anyos sa operation na isinagawa sa Brgy. Guizo, lungsod ng Mandaue.

Nasamsam ng Mandaue City Police Station 5 ang kalahating kilo ng shabu na nagkakahalagang P2.5 million.

Ayon kay Police Major Aldrin Villacampa, nahuli agad ang naturang subject matapos maaktuhan na nagbebenta ng iligal na droga.

Nahuli rin ang isa pang high value target na si Frederick Daclison, 50-anyos at ang kasama nitong si Raul Yolanda sa isa pang buybust operation na isinigawa sa Sitio Mayflower, Brgy. Duljo Fatima, lungsod ng Cebu.

Nakuha mula sa mga subject ang 105 grams ng shabu na nagkakahalaga ng P700,000.

Samantala, arestado rin ang isang ride-hailing application driver na si Patrick Caballero, 25-anyos, matapos itong nakuhanan ng pinagbabawal na droga sa may Brgy. Calamba ng kaparehong lungsod.

Nakumpiska ang 300 grams na shabu na nagkakahalaga ng higit P2 million.

Nakakulong na ang mga nahuling subject at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165).