-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Arestado sa follow-up operation ang isang 18-anyos na lalaki na nanloob sa Manocmanoc Elementary School sa isla ng Boracay, Biyernes ng gabi.

Ayon kay Lt. Col. Don Dicksie de Dios, hepe ng Malay Municipal Police Station, narekober sa suspek ang isang mountain bike, limang set ng desktop computers, dalawang laptop, at isang projector na nagkakahalaga ng halos P473,634.

Dumulog umano sa himpilan ng pulisya ang caretaker ng paaralan na si Arriz Pagcaliwangan matapos madiskubreng nawawala ang kanyang mountain bike.

Sa pag-imbestiga ng pulisya kasama ang iba pang tauhan ng paaralan, nabatid na pinasok rin ang kanilang Information and Communications Technology room at tinangay ang mga gamit doon.

Isang concerned citizen ang nakipagtulungan sa mga otoridad matapos makita ang pagtakas ng suspek kasama ang isa pa tangay ang mga ninakaw na gamit at isinakay sa isang tricycle.

Sa kabilang dako, sinabi pa ni Lt. Col. de Dios na tatlong menor de edad pa ang kanilang hinuli sa kaparehong araw na umano’y nanloob sa isang convenient store sa naturang lugar.

Ninakaw ng mga ito ang 25 pakete ng sigarilyo na nagkakahalaga ng nasa P28,000.