-- Advertisements --

ILOILO CITY – Mahigit P500,000 na halaga ng alahas ang nasalisi ng limang suspek sa isang jewelry store sa isang mall sa Guanco St., Iloilo City.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Carmela, saleslady ng Aljun Jewelry Store, sinabi nitong apat na lalaki at isang babae ang nagpanggap na customer habang tatlo naman silang nagbabantay ng jewelry store kasama na ang may-ari nito.

Base sa kuha ng Closed Circuit Television (CCTV) camera, makikita na sadyang inilihis ng ilan sa mga suspek ang atensiyon ng security guard ng mall at ng mga saleslady ng nasabing jewelry store habang nagmamasid naman sa paligid ang ilan sa kanila.

Maya’t maya, nakahanap ng pagkakataon ang isa sa mga suspek at kinuha ang isang box na naglalaman ng mahigit sa 40 piraso ng singsing.

Inihayag ng saleslady na maaaring dayo lamang sa lungsod ng Iloilo ang karamihan sa mga suspek dahil hindi sila nagsasalita ng Hiligaynon.

Ayon naman kay Police Lt. Col. Jonathan Pablito, hepe ng Police Station 1, sinabi nito na malinaw ang kuha ng CCTV kung kaya’t makikita ang mukha ng mga suspek.

Noong nakaraang taon, tinatayang umaabot sa P10 million na halaga ng alahas ang natangay ng mga kawatan sa nasabing jewelry store kung kaya’t inimungkahi ng otoridad sa may-ari na maghanap ng mas ligtas na malilipatan o magdagdag ng security personnel upang hindi na maulit ang insidente.

Sa ngayon ayon kay Pablito, pinaghahanap na ang mga suspek at patuloy ang monitoring sa mga robbery group na posibleng umatake sa mga jewelry store o bangko sa lungsod ng Iloilo.