KORONADAL CITY – Nahaharap sa kasong paglabag sa Bayanihan to Heal as One Act at Price Act ang dalawang katao matapos nahuling nagbebenta ng alcohol sa overpriced na presyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-South Cotabato provincial officer PMaj. Rogelio Pineda Jr., kanilang dinakip si Datu Pandal Nanding Sabal ng President Quirino, Sultan Kudarat matapos mahuling binebenta nito ang kahon-kahong alcohol sa halagang P93, mas mahal kumpara sa suggested retail price (SRP) nitong P50.
Una na rin silang nagsagawa ng parehong operasyon sa lungsod ng Koronadal kung saan nakumpiska ang 50 galon ng alcohol na nagkakahalaga ng P850 bawat isa sa halip na P650 batay sa SRP nito.
Ayon kay Pineda, kabuuang P513,000 ang halaga ng kanilang nakumpiska na mga alcohol, sanitizers at iba pa sa kanilang 15 mga operasyon at nakatakdang i-turnover ang mga ito sa Department of Health upang kanilang gamitin.
Batay sa kanilang inventory sa buong rehiyon, nakakumpiska sila ng 1,045 litro ng alcohol, 287 face mask, 207 sanitizers, at tinatayang 17,000 surgical gloves.
Patuloy rin ang babala ng opisyal na huwag manamantala lalo na’t nasa kalagitnaan pa rin tayo ng krisis dulot ng COVID-19.