Isinagawa nitong umaga ang pagsira sa P6.7 bilyon na halaga ng mga “counterfeit” products sa Camp Crame.
Ang naturang mga peke at pirated na produkto ay nakumpiska ng mga law enforcement agencies na kabilang sa National Committee on Intellectual Property Rights na pinangunahan ng Intellectual Property Rights Office of the Philippines (IPOPHIL) sa unang limang buwan ng taon.
Pero nasa kabuuang P11 million lamang na mga pekeng produkto ang winasak muna sa Kampo Krame.
Ayon kay IPOPHIL Director General Josephine Santiago, ang halaga ng kanilang mga nakumpiskang produkto mula Enero hanggang Mayo ng taong ito ay katumbas ng 80 porsiyento ng kabuuang nasamsam nilang kontrabando noong nakaraang taon na P8.2 billion.
Madadagdagan pa aniya ito kapag nakuha na nila ang complete reports ng mga nakumpiska ng Bureau of Customs, Food and Drug Administration, at Optical Media Board.
Pinakamalaking bilang ng mga nakumpiskang produkto ang P6.3 bilyong halaga ng mga pekeng sigarilyo at cigarette-making machines, na nakumpiska ng Philippine National Police at National Bureau of Investigation.
Kasama rin sa mga nakumpiska ang P151 milyong halaga ng mga pekeng designer bags, at P103 milyong halaga ng pirated DVDs.