BAGUIO CITY – Sinira ng pinagsamang pwersa ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Cordillera ang mahigit P60 million na halaga ng mga illegal drug evidence sa pamamagitan ng thermal facility ng isang sikat na cement at aggregates company sa Bacnotan, La Union kahapon.
Batay sa tala ng PDEA-Cordillera, ang mga nasirang mga iligal na droga ay may bigat na mahigit 417,330 grams at binubuo ng aabot sa 1,500 grams na shabu; 37.4 ml na liquid methamphetamine; higit 415,800 grams na marijuana at 52 marijuana plants.
Nagmula anila ang lahat ng mga drug evidence sa 244 na kaso mula sa iba’t ibang sangay ng mga korte sa Cordillera.
Ayon sa mga otoridad, alinsunod ito sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte at sa R.A 9165 o ang Dangerous Drugs Act of 2002 na lahat ng mga drug evidence ay kailangang masira matapos ang presentasyon ng mga ito sa korte para maiwasan ang pagresiklo.
Pumirma din ng isang kasunduan ang PDEA-Cordillera at ang nasabing kompanya para sa pagbigay nila ng access sa mga otoridad na gamitin ang destruction facility, partikular ang thermal process sa pagsira ng mga drug evidence na dinisisyunan na ng mga korte.