KORONADAL CITY – Ipinaabot sa Bombo Radyo Koronadal ng grupo ng mga nagrereklamo na nabiktima ng panibagong investment scheme na iligal na nag-o-operate sa South Cotabato at iba pang lugar sa Mindanao matapos na tangayin ang umano’y milyong pisong investment ng mga miyembro nito.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Pergentino Logronio, tumatayong tagapagsalita ng mga biktima ng Mer’s Business Center, naengganyo sila na mag-invest dahil naging maayos naman umano ang “pay-out” sa unang mga buwan hanggang sa naputol ito noong buwan lamang ng Setyembre.
Nasa mahigit P600 million umano ang halaga ng perang nakuha sa mga investors ng grupo ni Reynaldo Camingawan, na siya umanong founder at mga managers nito sa iba’t-ibang branch dahil sa 30 percent hanggang 35 percent na porsiyento na pangakong interes sa perang inihulog ng mga miyembro na kahalintulad ng KAPA noon ni Joel Apolinario.
Matapos na hindi na sila nakatanggap ng pay-out ay isinara na rin ang tanggapan ng Mer’s Business Center sa Gensan at maging sa Koronadal at nawalang parang bula ang mga opisyal nito kabilang na sina Reynaldo at Roger Camingawan, Estelito Cenco bilang, BOD, Arlindo Mahinay at Joy Mahinay.
Kaya naman nagpadala sila ng sulat sa National Bureau of Investigation (NBI) national office sa pangambang hindi sila papansinin ng NBI Region 12 dahil umano sa naunang pahayag ni Camingawan na nagbibigay umano ito ng protection money.
Sa ngayon, hiling nila na matutukan ang kaso at mahabol ang mga scammers at maibalik ang kanilang pera.
Kung maaalala, una nang nagpalabas ang Securities and Exchange Commission (SEC) ng advisory laban sa Mer’s Business Center noong nakaraang mga buwan ngunit nagpatuloy pa rin ang pangongolekta ng pera ng mga ito.
Sa ngayon, nangangamba ang mga biktima baka mas marami pang mabibiktimang tao dahil sa nagpapalit pangalan lamang ang Mer’s Business Center at dumarami na rin ang branch nito sa buong bansa.