-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Umabot sa P63.3-M ang kabuuang halaga ng mga marijuana na nadiskubre, binunot at sinira ng mga anti-narcotics at police operatives sa dalawang araw na eradication operation sa Loccong, Tinglayan, Kalinga.

Ayon kay PCol. Job Russel Balaquit, direktor ng Kalinga Police Provincial Office, nagsimula ang operasyon noong March 11 sa pangunguna nina Police Regional Office Cordillera regional director PBGen. R’win Pagkalinawan at 503rd Infantry Brigade, Philippine Army commander BGen. Henry Doyaoen.

Binunot at sinunog ng mga otoridad ang kabuuang 263,600 na piraso ng mga fully grown marijuana plants sa limang taniman ng marijuana.

Nadiskubre din nila ang 87,000 gramo ng mga pinatuyong marijuana at 5,050 gramo ng marijuana seed mula sa isang kubo.

Batay sa Dangerous Drugs Board, nagkakahalaga ang mga nasabing kontrabando ng aabot sa P63.3-M.

Gayunman, walang cultivator na nahuli sa kasagsagan ng operasyon na tinawag na Oplan Binoryan na bahagi ng Barangay Drug Clearing Program ng Philippine National Police.