Arestado ang tatlong Nigerian national sa dalawang magkahiwalay na buy-bust operations na ikinasa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Cavite PNP sa General Trias, kagabi January 4,2021.
Ayon kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, ang unang buy-bust operation isinagawa bandang alas-8:50 ng gabi kagabi, kung saan arestado ang dalawang Nigerian na nakilalang sina Benjamin Enemuo y Ebubechukwum, 28-anyos at Chidubem Nwonu y Precious, 22-anyos pawang mga residente ng Barangay Navarro, General Trias City.
Nakuha sa kanilang posisyon ang nasa 1,000 grams ng shabu na nagkakahalaga ng P6.8 million.
Sa follow-up operation na ikinasa ng PDEA at PNP, bandang alas-11:30 kagabi kung saan nakuhanan ng nasa 5000 grams ng Marijuana na nagkakahalaga ng P600,000.00 at 500 grams ng shabu at isang digital weighing scale at buybust money.
Nakilala ang naarestong banyaga na si Ifeanyi Ofoma y Chiales, 22 years old, residente ng Barangay Bacao 1, General Trias City, Cavite.
Kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isasampa laban sa tatlong drug suspects.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA ang tatlong nahuling Nigerian national.