Nasa mahigit P70 billion halaga ng proyekto ang inaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board.
Ang NEDA Board meeting ay pinangunahan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Ang mga nasabing mahahalagang proyekto ay inaasahang magpapalakas ng imprastraktura at magpapalago ng ekonomiya.
Kabilang dito ang Panahon ng Pagkilos: Philippine Community Resilience Project (PCRP) ng Department of Social Welfare and Development.
Ang proyekto na nagkakahalaga ng halos P57-B ay suportado rin ng World Bank at inaasahang pakikinabangan ng higit 4 na milyong pamilya sa 500 munisipalidad sa bansa.
Sa ilalim nito, hahayaan ang mga lokal na komunidad na magplano at magpatupad ng mga solusyonh angkop sa kanilang pangangailangan habang pinalalakas ang kakayahang maging matatag at malabangon mula sa krisis lalo na sa kalamidad.
Inaprubahan rin ang P13.9-billion Tumauini River Multipurpose Project ng National Irrigation Administration sa Isabela.
Gayundin ang hiling na baguhin ang saklaw, halaga at implementation period ng Balog-Balog Multipurpose Project Phase II, at ang pagbabago rin sa saklaw ng reallocation ng loan proceeds para Improving Growth Corridors in Mindanao Road Sector Project.
Ayon kay NEDA Sec. Arsenio Balisacan, ang pag-apruba sa mga proyektong ito ay sumasalamin sa patuloy na pagpupursigi ng gobyerno na isulong ang pangkalahatang pag-unlad.