BAGUIO CITY – Aabot sa P780,000 halaga ng marijuana plant ang sinunog at sinira ng mga otoridad sa dalawang magkahiwalay na marijuana eradication sa Atok, Benguet.
Ayon kay PMaj. Zacharias Caloy Dausen, hepe ng Atok Municipal Police Station, sinabi niya na sa tulong ng Atok MPS, PIU, Benguet Police Provincial Office, Municipal Mayor, at PDEA-CAR ay nagsagawa sila ng marijuana eradication sa Sitio Sadawikan, Pasdong, at Sitio Paticnan, Barangay Caliking, Atok.
Nagresulta ito sa pagsunog nila ng kabuuang 2,900 na fully grown marijuana plants sa dalawang site sa Sitio Sadawika, habang kabuuang 1000 fully grown marijuana plants sa dalawang site sa Sitio Paticnan.
Napag-alaman na sa dalawang sitio sa nasabing lugar o apat na site kung saan binunot ang mga marijuana plants ay aabot sa kabuuang 800 square meters.
Sinabi ni Dausen na wala silang naabutang cultivator sa nasabing site.
Samantala, sa ibang lugar sa Benguet, ginawang disinfectant ang mga nakumpiska nilang alak noong naisagawa ang mahigpit na checkpoint sa ilalim ng communtiy quarantine.
Aabot naman sa 40 na kahon ng alak o 960 na bote ng alak ang nakumpiska nila sa Itogon, Benguet.
Ayon kay Mayor Victorio Palangdan, sinabi niya na ang mga nakumpiska ay ginawang disinfectant at panglinis sa municipal ground ng Itogon Benguet para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus dahil nakapagtala na ang nasabing bayan ng kaso ng COVID-19.