-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Tinatayang aabot sa P8.5 milyon ang danyos matapos pinaniniwalaang pinakawalan ng New People’s Army (NPA) ang water gate ng mga hipon sa Purok 1, Barangay Pili, bayan ng Malimono, Surigao del Norte, kahapon.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Police Staff Sergeant Pablo Cabajes Jr., ang duty investigator ng Malimono Municipal Police Station, na limang nagpakilalang tauhan ng Sandatahang Yunit Pampropaganda ng Guerila Front-16, Northeastern Mindanao Regional Committee, ang lumapit sa caretaker at tinipon silang mga trabahante ng prawn pond.

Dito sila binalaang huwag papalag kasunod ng pagbukas ng lima sa walong box ng pond na may lapad na limang ektarya.

Dagdag pa ni Cabajes, isa sa walong kahon na nakatakda na sanang i-harvest dahil “matured” na ang mga hipon ang tinatayang kikita sana ng P2.5-milyon.

Nilinaw din ni Sgt. Cabajes na wala namang nabanggit ang caretaker kung humingi ng pera ang mga rebelde maliban sa pagkumbinsi sa mga tao sa paligid na hulihin ang mga hipon dahil sa kanila umano ang mga ito habang marami-rami ang inanod na patungong dagat.