Nasa P81.6 million halaga ng iligal na droga ang nasabat ng mga otoridad sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa Pasay at Parañaque nitong Sabado.
Sa report ng NCRPO, ang mga nakumpiskang hinihinalaang shabu ay nakasilid sa packaging ng Chinese tea.
Nasa tatlong drug suspek ang naaresto.
Sa unang operasyon, narekober ng pulisya ang nasa 10 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng nasa P68 milyon mula sa isang babae at isang lalaki sa harap ng isang bus terminal sa Malibay, Pasay.
Kinilala ni NCRPO Chief BGen. Debold Sinas na sina Mia Bianca Atendido, 22-anyos at Dave Tajores Realin, 21-anyos.
Nakuha sa kanilang posisyon ang boodle money na nagkakahalaga ng P800,000.00, dalawang piraso ng P1,000 peso bill at traveling black bag.
Sa ikalawang operasyon, nakuha naman ang nasa P13.6 milyon na shabu mula sa isang 21-anyos na babae sa isang condominium unit sa Parañaque.
Itinanggi ng suspek na kanya ang dalawang kilo ng droga. Hindi rin umano niya kakilala ang unang 2 suspek na nahuli sa Pasay.
Ayon sa PNP Drug Enforcement Group na ginagawang bagsakan ng droga ang nasabing condo unit.
Naniniwala ang mga otoridad na posibleng konektado ang mga drogang nakuha sa dalawang operasyon at inaalam na ng mga awtoridad kung sino ang supplier ng mga ito.