Pinal nang pinagtibay ng Commission on Audit ang naging desisyon nito noong Enero 31, 2020 kung saan tinanggihan nito ang P92.8 milyong claim na inihain ng National Food Authority laban sa Department of Education.
Batay sa naging desisyon ng COA en banc, nanindigan ang komisyon na dapat tanggihan ang motion for reconsideration ng NFA dahil nabigo itong magsumite ng patunay na may aktwal na delivery ng bigas sa ilalim ng Food for School Program (FSP) ng DepEd mula 2006 hanggang 2010 kahit na nabigyan ng sapat na oras upang gawin ito.
Sa kanilang petisyon, iginiit ng NFA na labis ang paghahatid ng bigas sa DepEd na sa huli ay hindi binayaran ng ahensya.
Kabilang sa mga dokumentong isinumite nito bilang pagsuporta sa claim ay ang sertipikasyon mula kay DepEd Undersecretary Francisco Varela na nakatanggap ang ahensya ng mga rice delivery na nagkakahalaga ng P92,797,212.50 at maging sagot mula kay dating Education Secretary Armin Luistro na kung saan umamin umano ito sa sertipikasyon mula kay Varela gayundin ang mga nilalaman nito.
Gayunman, sinabi ng COA na hindi sapat na patunay ang mga pagtanggap ng mga opisyal ng DepEd sa validity ng isang enforceable na obligasyon laban sa Education department.